Tututukan din ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang anger management sa kanilang modules para sa mga motorcycle rider na sasailalim sa mga pagsasanay.
Ito ang inihayag ni MMDA Acting Chairperson, Atty. Don Artes kasunod ng pagbubukas ng Motorcycle Riding Academy ng ahensya sa Pasig City, ngayong araw.
Ayon kay Artes, layon nito na maiwasan ang road rage gaya na lamang ng mga kadalasang nagiging viral ngayon sa social media.
Kanina, ipinakita ng MMDA ang kanilang pasilidad sa Meralco Avenue sa Pasig City na pagmamay-ari ng GSIS, kung saan idaraos ang mga pagsasanay sa ilalim ng Motorcycle Riding Academy.
Subalit nilinaw ng MMDA Chief, na ang kanilang mga kawani muna sa MMDA ang unang sasalang sa Academy upang maisaayos ang module at makapagsagawa ng ibayong adjustment.
Nakatakda naman nilang buksan ang Motorcycle Riding Academy sa publiko bago matapos ang taong kasalukuyan. | ulat ni Jaymark Dagala