Tiniyak ng Metro Manila Council (MMC), na maaari pa ring ituloy ang pamamahagi ng ayuda sa mga rice retailer na magbebenta ng murang bigas kahit mapawalang bisa na ang Executive Order 39 o ang pagtatakda ng price ceiling sa bigas.
Sa isinagawang pulong ng MMC ngayong araw sa Pasig City, sinabi ng Pangulo nito at San Juan City Mayor Francis Zamora, na ito ang pagtitiyak sa kanila ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian.
Ani Zamora, basta’t nakapagsumite na ang mga lokal na pamahalaan ng listahan ng rice retailers na sumunod sa kautusan ng Pangulo ay makaaasa pa rin itong makatatanggap ng ayuda.
Sa naging pagpupulong kanina ng MMC, pinagtibay ng mga alkalde sa Metro Manila ang kanilang pagsuporta sa EO39 sa ilalim ng isang resolusyon.
Iniulat naman ni MMDA Acting Chairperson Atty. Don Artes ang pagtitiyak ng bawat lokalidad sa NCR, na magpapasa ng ordinansa na nagbibigay tulong sa mga apektadong rice retailer depende sa kakayahan ng kanilang lokalidad. | ulat ni Jaymark Dagala