Ipinagmalaki ng Philippine National Police o PNP ang patuloy na pagbaba ng bilang ng mga binabantayan nilang Private Armed Group o PAGs.
Ito’y ayon kay PNP Public Information Office Chief, P/Col. Jean Fajardo kasunod ng mga ginagawang paghahanda para sa Barangay at Sangguniang Kabataan o SK Elections sa Oktubre.
Ayon kay Fajardo, sa unang bahagi ng taong ito, may naitala silang apat na aktibong PAGs at mula sa 43 potential na mga Private Armed Group ay bumaba na ito sa 38.
Aniya, ilan sa mga ito ay inactive na dahil karamihan sa mga pinuno nito kung hindi nasawi sa operasyon ay naaresto na.
Una nang sinabi ng PNP na malaki ang ginagampanang papel ng mga PAG sa paghahasik ng karahasan lalo’t mainit ang tunggaliang pulitikal sa mga barangay
Samantala, sinabi ni Fajardo na kanila na ring irerekomenda sa Commission on Elections o COMELEC na isailalim na sa kontrol nito ang bayan ng Libon sa Albay gayundin ang Malabang sa Lanao del Sur dahil sa naitalang karahasan doon. | ulat ni Jaymark Dagala