Ibinasura ng Commission on Elections en banc ang isinumiteng motion for reconsideration ng kampo ni Aurora vice-gubernatorial candidate Gerardo Jerry Noveras hinggil sa disqualification order na natanggap nito mula sa COMELEC first division.
Nag-ugat ang naturang kaso matapos magpetisyon ang nakalaban ni Noveras na si Narciso Amansec ng paglabag sa Omnibus Election Code Section 261 o ang paggamit ng pasilidad o ano mang pag-aari ng gobyerno para sa pansariling interes.
Ayon sa COMELEC en banc, nagdesisyon sila sa kaso hindi base sa teknikalidad.
Ito ay bunsod ng hindi pagdalo ng petisyoner ng kaso na si Amansec.
Giit ng komisyon, hindi sapat ang teknikalidad para hindi bigyang bigat ng kanilang opisina ang mga paglabag sa electoral laws.
Dahil dito ay pinagtibay ng COMELEC en banc ang naunang desisyon ng COMELEC first division na diskwalipikahin si Noveras dahil sa pagkakahuli sa isang nagngangalang Michael Tecuico, isang casual employee, na nagpri-print ng tarpaulin na may mukha ni Noveras.
Nauna nang ipinaliwanag ng COMELEC first division na ang pag-print ni Tecuico ng campaign materials ni Noveras, nakikita bilang influence of compulsion o pagsunod dahil sa impluwensya bunsod ng kanilang mga posisyon sa pamahalaan. | ulat ni Lorenz Tanjoco