Nag-abiso ngayon ang Quezon City local government sa mga motorista kaugnay ng ipatutupad na dry run ng morning rush hour zipper lane sa bahagi ng Katipunan Avenue-Northbound simula bukas, September 21.
Layon nitong ibsan ang madalas na mabigat na daloy ng mga sasakyan sa Katipunan lalo na sa papasok ng Ateneo de Manila University.
Ayon sa QC LGU, makakatuwang nito ang Metro Manila Development Authority (MMDA) sa pagpapatupad ng zipper lane sa loob ng dalawang linggo, simula ngayong Huwebes, September 21 mula alas-6:30 hanggang alas-8 ng umaga, tuwing weekdays maliban na lang sa holidays.
Batay sa abiso nito, ang magiging entrance ng zipper lane ay sa opening ng center island sa Ateneo Gate 2, habang ang exit ay sa intersection sa harap naman ng Ateneo Gate 3.
Magiging eksklusibo naman ang zipper lane para lang sa mga papasok na sasakyan sa Miriam College at lagpas pa noon habang hindi naman maaaring kumanan sa zipper lane para makapasok ng Ateneo Gate 3.
Magtatalaga naman ang QC at MMDA ng mga traffic enforcers at constables at traffic directional signages para sa mga motoristang dumadaan sa Katipunan Avenue. | ulat ni Merry Ann Bastasa