Dahil sa limitado lamang ang pasilidad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga kliyente ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS), mahigpit nang ipinagbabawal ang pagdadala ng mga anak o mga bata sa loob ng ahensiya.
Nilalayon nitong maiwasan ang anumang panganib o aksidente na maaaring mangyari sa mga bata.
Ang Crisis Intervention Unit (CIU) ay patuloy na bukas sa lahat ng rehiyon sa bansa mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.
Bukod dito, ipinagbabawal na rin ang pananatili sa paligid ng DSWD Central Office na lagpas sa oras na nabanggit.
Hindi na rin pinapayagan ang paghihintay o pag-aabang sa pila simula gabi hanggang madaling araw at hinihikayat na magtungo lamang sa oras na ibinigay.
Nakikiusap ang DSWD sa publiko na sumunod lamang sa mga patakaran at alituntunin para mapangalagaan ang kanilang seguridad at kaligtasan. | ulat ni Rey Ferrer