Pangungunahan nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang paunang paglulunsad ng WALANG GUTOM 2027: Food Stamp Program (FSP), sa Caraga Region sa Biyernes, Setyembre 29.
Bukod sa ilulunsad na FSP, pangungunahan din ni Pangulong Marcos Jr. ang pamamahagi ng premium quality Jasmine rice sa mahigit 4,000 benepisyaryo sa Dinagat Island, Surigao City, at Dapa, Surigao del Norte.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Romel Lopez, sa pilot implementation ng programa, makakatanggap ng food credits ang mga benepisyaryo na nagkakahalaga ng P3,000 kada buwan sa loob ng anim na buwan.
Upang regular na matanggap ang kanilang buwanang food credits, kinakailangang lumahok ang mga benepisyaryo sa nutrition education session, dumalo sa skills training ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), at sumali sa mga job fair na inorganisa ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Ang FSP ay isa sa fully digitized program ng DSWD, na kasalukuyang ipinapatupad sa pakikipagtulungan ng World Food Program (WFP) at Asian Development Bank (ADB). | ulat ni Rey Ferrer