Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na may ilang mga kandidato sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ang lumalapit na sa kanilang tanggapan.
Ito’y para humingi ng karagdagang seguridad dahil umano sa banta sa kanilang buhay at seguridad lalo na’t kung nasa lugar sila na may mainit na tunggaliang politikal habang papalapit ang halalan sa susunod na buwan.
Ayon kay Chief Police General Benjamin Acorda Jr., bagaman mayroon ngang lumalapit sa kanila para humingi ng proteksyon, kanila pa itong isinasailalim sa masusing pag-aaral.
Sa kasalukuyan, sinabi ni Acorda na may binabantayan silang pitong hinihinalang insidente ng karahasan na may kinalaman sa halalan buhat nang magsimula ang paghahain ng kandidatura.
Subalit ito’y inaalam pa ng PNP kung may kinalaman nga sa nalalapit na Barangay at SK Elections dahil nangyari ang mga ito sa panahon ng halalan. | ulat ni Jaymark Dagala