Nahuli dahil sa pagdadala ng iligal na baril ang isang 14-taong gulang na grade 9 student ng Takepan National High School, Pikit, Cotabato.
Sa ulat ng 90th Infantry (Bigkis-Lahi) Battalion, nagsasagawa sila ng security operation sa Takepan Public Market nang maalerto sila sa presensya ng menor de edad na may dalang baril.
Sa pag-iinspeksyon ng mga tropa, narekober sa suspek ang isang hindi lisensyadong “modified” 5.56mm pistol.
Agad isinailalim ng mga tropa sa kustodiya ang suspek at tinurn-over sa Pikit Municipal Police Station.
Ayon kay Lt. Col. Rowel Gavilanes, Commanding Officer ng 90IB, nakikipagtulungan na sa imbestigasyon ang paaralan upang malaman kung paano napasakamay ng estudyante ang baril at kung may iba pang estudyanteng kasangkot.
Sinabi naman ni 6th Infantry Division Maj. General Alex S. Rillera na ang insidente ay nagsisilbing paalala sa kahalagahan ng pagtiyak ng ligtas at mapayapang sitwasyon sa mga paaralan para sa mag-aaral. | ulat ni Leo Sarne