May-ari ng SUV na sangkot sa Marikina road rafe, ipinatawag na ng LTO

Facebook
Twitter
LinkedIn

Inisyuhan na ng Land Transportation Office ng show cause order ang rehistradong may-ari ng SUV na sangkot sa panibagong road rage incident na naganap naman sa lungsod ng Marikina.

Sa viral video, makikitang matapos mabangga ng SUV ang isang nagbibisikleta sa bahagi ng Dragon St. ay naghamon ang driver nito ng suntukan sa nakaalitang siklista.

Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II, nais nilang malinaw sa SCO kung ang rehistradong may-ari ng puting Nissan Patrol na may lisensyang NFY 4437 ang siya ring nagmamaneho nito nang maganap ang insidente na viral na naman sa social media.

Sa naturang kautusan, pinahaharap ni LTO-National Capital Region director Roque Verzosa III ang may-ari ng SUV sa tanggapan ng LTO – NCR sa susunod na linggo, October 2 at pinagsusumite ng paliwanag kung bakit hindi ito dapat panagutin sa reckless driving, disregarding traffic sign, obstruction of traffic, at improper person to operate a motor vehicle.

Nakasaad din sa SCO na pansamantalang suspendido ng 90 araw ang registration ng sangkot na SUV hanggat hindi pa nareresolba ang kaso.

Babala ng LTO, oras na mabigo ang respondent na magsumite ng paliwanag ay ituturing na itong pag-waive ng karapatan na mailahad ang panig at magdedesisyon ang ahensya batay sa mga naipresintang ebidensya.

“Parami ng parami ang mga ganitong kaso pero hindi magsasawa ang inyong LTO na aksyunan ang lahat ng ito dahil kailangan nating tiyakin na ligtas ang ating mga kalsada sa lahat ng road users,” Mendoza.

Kasunod nito, nanawagan naman si Mendoza sa mga motorista na habaan ang pasensya sa kalsada at ‘wag pairalin ang init ng ulo.

“Huwag init ng ulo ang ipakita natin habang nasa daan. Dapat nating igalang ang ating mga kapwa road users upang maiwasan itong mga paulit-ulit na road rage incidents,” | ulat ni Merry Ann Bastasa

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us