Nakatakdang makatanggap ng ayuda mula sa pamahalaan ang mga maliliit na rice retailer sa Malabon City ngayong araw.
Ito ay sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program ng Department of Social Welfare and Development o DSWD. Layon nitong matulungan ang mga maliit na rice retailer na tumalima sa naging kautusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na price cap sa bigas.
Pangungunahan ni Malabon City Mayor Jeannie Sandoval kasama ang mga kinatawan ng DSWD, at Department of Trade and Industry ang pamamahagi ng tig-P15,000 na cash assistance sa mga benepisyaryo.
Isasagawa ang pay-out sa Penthouse, Malabon City Hall ngayong ala-una ng hapon.
Matatandaang unang umarangkada ang pamamahagi ng ayuda sa mga maliit na rice retailer noong Sabado na isinagawa sa Quezon City, Caloocan City, San Juan City, at Manila. | ulat ni Diane Lear