Naghain ng panukalang batas si Deputy Minority leader at Basilan Representaive Mujiv Hataman, upang tanggalin ang kapangyarihan at functions ng National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) sa taunang Hajj pilgrimage.
Ayon kay Hatama, taon-taon na lamang na marami sa mga Filipino Muslim ang stranded o dumadaan sa matinding paghihirap sa kanilang pagganap ng Hajj, dahil sa hindi maayos na serbisyo ng NCMF.
Aniya, panahon nang ikonsidera at ibigay na lang sa pribadong sektor ang pangangasiwa ng Hajj dahil mas equip silang magkaloob ng pilgrimage services.
Ang taunang pilgrimage sa Holy City of Makkah sa Saudi Arabia ay isa sa mga sagradong haligi ng pananampalataya ng Islam, bagay na pinag-iipunan ng mga kapatid na Muslim.
Aniya, dahil sa hindi maayos na serbisyo ng NCMF, sa halip na makabuluhan ay pagdurusa ang kanilang nararanasan. Dahil sa marami ang na-stranded sa Manila at Saudi na walang matuluyan, makain at tulong na natatanggap mula sa ahensya.
Sa ilalim ng House bill 9096 o The NCMF Reform Act of 2023, na naglalayong amyendahan ang Republic Act 9997, upang tanggalin ang administrasyon ng Hajj mula sa NCMF at payagan ang private sector na mangasiwa ng mga serbisyo para sa Filipino Muslim Pilgrims. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes