Pinaiiwas ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA ang publiko sa mga binahang lansangan sa Metro Manila ngayong umaga bunsod ng walang patid na pag-ulang dala ng habagat
As of 9AM, ilan sa mga binahang lansangan ay ang Roxas Boulevard sa bahagi ng Pedro Gil sa Maynila kung saan ‘gutter deep’ na ang taas ng tubig o nasa walong pulgada gayundin sa panulukan ng Roxas Bouelvard at EDSA extension sa Pasay City.
Nasa apat na lugar naman sa Valenzuela City ang lubog din sa baha partikular na sa Mc Arthur Highway kanto ng T. Santiago Cuevas sa Dalandanan kung saan, kalahating gulong na ng sasakyan ang lebel ng baha o nasa 10 hanggang 13 pulgada.
Mc Arthur Highway Footbridge sa Dalandanan, nasa isa hanggang dalawang pulgada; Mc Arthur Highway Wilcon depot sa Dalandanan, nasa tatlo hanggang apat na pulgada ang taas ng baha.
Gayundin sa Mc Arthur Highway sa Green Oil sa Malanday, nasa tatlo hanggang apat na pulgada ang taas ng baha.
Patuloy namang nakaantabay ang MMDA sa mga binahang lugar at maglalabas ito ng abiso upang makatulong sa mga motorista. | ulat ni Jaymark Dagala