Nakiramay ang mga opisyal at ilang kawani ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa burol ni dating Marikina City Mayor at MMDA Chairperson Bayani Fernando, sa Queen of Angels Chapel sa Marikina City.
Sa isang necrological service na pinangunahan ng ahensiya, inalala ni MMDA Acting Chairperson Atty. Don Artes ang mga nagawa ni Fernando sa Metro Manila, noong nanilbihan siyang MMDA chair mula June 2002 hanggang November 2009.
Ayon kay Artes, ang mga ICT project ng MMDA at paglalagay ng CCTVs sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila ay pinasimulan ni Fernando.
Programa rin ni BF ang “Metro Gwapo” na nagtanim ng disiplina sa mga residente ng Kamaynilaan.
Dagdag pa ng opisyal, marami sa mga kawani ng MMDA ang kumikilala kay BF bilang isa sa pinakamagaling na naging chairperson ng ahensya.
Tiniyak naman ni Arte, na ipagpapatuloy ng MMDA ang mga magagandang proyekto na sinimulan ni Fernando habang mananatili naman ang naiwang legacy nito. | ulat ni Diane Lear