Inanunsyo ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA na magbubukas na ang kanilang Motorcycle Riding Academy sa Setyembre 27, 2023.
Ito ang inihayag ni MMDA Acting Chairperson, Atty. Don Artes makaraang tanggapin nito ang 10 motorcycle units mula kay Sen. Sonny Angara kaninang umaga.
Pero paliwanag ni Artes, nagkaroon ng delay sa pagbubukas ng Motorcycle Academy na dapat sana’y nitong Agosto bunsod na rin ng mga pag-ulang dulot ng mga nagdaang bagyo at epekto ng habagat.
Nakumpleto na rin aniya sa ngayon ng MMDA ang pagtatayo ng mga silid-aralan para sa mga rider gayundin ang gagamiting module para sa pagtuturo.
Tatagal aniya ng dalawang araw ang pagsasanay ng mga rider at limitado lamang sa 100 na participant kada batch.
Layunin ng Motorcycle Riding Academy na mabawasan ang aksidente sa lansangan sa Metro Manila lalo’t lumalabas sa inisyal na pag-aaral na nasa 275 ang nasasawi bunsod ng mga aksidenteng kinasasangkutan ng mga nagmomotorsiklo. | ulat ni Jaymark Dagala
📷: MMDA