Target ng Pamahalaang Lungsod ng Mandaluyong na mabigyan ng ayuda ang may 72 rice retailers na nagbebenta ng murang bigas bilang pagtalima sa Executive Order no. 39 o ang pagtatakda ng price cap sa bigas.
Bawat rice retailer ay nakatanggap ng tig-P15,000 ayuda mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) katuwang ang Department of Trade and Industry (DTI).
Bago makatanggap ng ayuda, dumaan ang mga ito sa proseso gaya ng registration, verification, profiling kung saan sila isasailalim sa panayam at saka ang releasing.
Nagpasalamat naman ang mga benepisyaryo sa tulong na kanilang natanggap, lalo’t kailangan nila ito upang mabawi ang kanilang naging lugi sa nakalipas na mga araw.
Kasunod nito, nagpatupad naman ng moratorium ang lokal na pamahalaan sa renta ng mga rice retailer sa puwesto sa palengke sa loob ng isang buwan, upang makatulong sa pagpapatuloy ng kanilang pagtitinda. | ulat ni Jaymark Dagala