Nakikipag-ugnayan na ang Department of Education o DepEd sa pambansang pulisya para sa agarang ikatututgis ng salarin sa pananambang sa isang public school principal sa Brgy. Sto. Tomas North sa Jaen, Nueva Ecija.
Kasunod nito, mariing kinondena ng Kagawaran ang insidente na ikinasugat ng biktimang si Reden Daquiz ng Sto. Tomas Elementary School sa naturang lugar.
Ayon sa DepEd, kanilang tinutuligsa ang anumang uri ng kawalang katarungan laban sa kanilang mga tauhan, mag-aaral at mga stakeholder na anila’y isang uri ng karuwagan.
Giit ng DepEd, itinataguyod nila na manatiling ligtas at mapayapa ang lahat ng mga paaralan sa buong bansa para sa mga Pilipino.
Batay sa inisyal na ulat ng PNP, papasok na sana sa nabanggit na paaralan ang biktima sakay ng minamaheno niyang SUV nang bigla itong pagbabarilin ng mga hindi pa tukoy na salarin.
Nagawa namang makababa ng sasakyan ng biktima at makapasok sa loob ng paaralan habang agad namang nakatakas ang mga salarin sakay ng motorsiklo.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente. | ulat ni Jaymark Dagala
📷: JAEN MPS