Muling nanawagan si AGRI-party-list Rep. Wilbert Lee na magkaroon ng pangmatagalang solusyon sa mataas na presyo ng bigas.
Ayon sa mambabatas, bagama’t welcome ang price ceiling na P41 kada kilo ng regular milled rice at P45 kada kilo ng well milled rice, kung hindi maiging mababantayan ay posibleng mauwi sa limitadong suplay ng bigas sa merkado.
Pwede kasi aniyang magdalawang-isip ang pribadong sektor na magbenta na kakaunti kung hindi naman sila kikita.
Bunsod nito, kailangan aniyang palakasin ang Anti-Agricultural Smuggling Act upang bukod sa smugglers, ay mapanagot din ang mga hoarders, price manipulators at mga kasabwat sa gobyerno na dahilan ng pagsipa ng presyo ng agri products tulad ng bigas.
Kaya naman inihain ni ni Lee ang House Bill 9020 o Cheaper Rice Act.
Sa ilalim ng panukala, bubuoin ang Rice Incentivization, Self-Sufficiency, and Enterprise (RISE) Program kung saan maglaan ang gobyerno ng pondo para sa subsidiya sa pagbili ng palay sa halaga na sigurado ang kita ng mga magsasaka.
Habang ang mabibili namang produkto mula sa kanila ay ibebenta sa consumers sa mas murang presyo.
Ang Department of Agriculture (DA) katuwang ang Department of Trade and Industry (DTI) at iba pang sangay ng pamahalaan ang maglalatag ng pricing structure para sa pagbili ng palay.
Positibo si Lee na kung maisabatas ay maisasakatuparan ang P20 kada kilong presyo ng bigas.
“Kapag nasiguro ang kita ng mga magsasaka, wala pong makakaisip na ibenta ang kanilang lupa. At dahil may kita na, mas lalong magsusumikap ang ating mga magsasaka na itaas ang produksyon at ma-eengganyo din natin ang kabataan na pasukin ang pagsasaka. Sa pagtaas ng kanilang produksyon, mapapababa ang presyo sa merkado. Makakatulong ito sa pagkamit sa food security kung saan hindi na natin kailangang umasa sa importasyon. Darating po ang araw, tayo na ang mag-e-export ng bigas” ani Lee. | ulat ni Kathleen Jean Forbes