Sa botong 296 pabor, at 3 na pagtutol ay aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang House Bill 8980 o ang panukalang P5.768 Trillion 2024 General Appropriations Bill.
Mula August 2 nang isumite ang 2024 National Expenditure program pitong linggo ang ginugol ng Kamara para talakayin at himayin ang panukalang pambansang pondo para sa susunod na taon.
Tulad ng mga nakaraang budget, isang small committee ang binuo upang tumanggap ng individual amendments.
Ang naturang mga amyenda ay kailangan maisumite bago o hanggang September 29.
Itinalaga bilang miyembro ng small committee sina Appropriations Chair Elizaldy Co, senior vice-chair Stella Quimbo, Majority Leader Mannix Dalipe at Minority Leader Marcelino Libanan.
Ang 2024 national budget ay 9.5 percent na mas mataas kaysa sa kasalukuyang P5.267 trillion 2023 budget, at katumbas ng 21.7 percent ng gross domestic product ng bansa.| ulat ni Kathleen Jean Forbes