Nanawagan si PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. sa mga mamamayan na tumulong sa internal cleansing program ng PNP sa pamamagitan ng pagsumbong sa mga tiwaling gawain ng mga pulis.
Ang panawagan ay ginawa ng PNP Chief sa pulong balitaan ngayong umaga matapos maaresto ang dalawang pulis at isang sibilyan dahil sa kanilang pangongotong sa transport groups sa Bacoor.
Ayon sa PNP Chief, agad inaksyunan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang sumbong tungkol sa iligal na aktibidad ng dalawang pulis matapos itong makarating sa kanilang kaalaman sa pamamagitan ng social media.
Sinabi ng PNP Chief na ito ay magandang ehemplo ng “community engagement”, kasabay ng paghimok sa mga mamamayan na ‘wag matakot magsumbong dahil mas marami pa rin ang matitinong pulis na tutulong sa kanila.
Pinaalalahan naman ng PNP Chief ang mga ground commander na mananagot sila sa ilalim ng “one strike policy” kung masangkot sa katiwalian ang kanilang mga tauhan. | ulat ni Leo Sarne