Pinasalamatan ni Philippine National Police (PNP) Chief General Benjamin Acorda Jr. ang lahat ng mga tauhan ng PNP na boluntaryong sumailalim sa random drug testing.
Ayon sa PNP chief, ang resulta ng patuloy na random drug testing sa mga pulis ay positibong indikasyon na nagbubunga ang pagsisikap ng PNP na gawing drug-free ang kanilang hanay.
Mula Enero ng taon hanggang sa kasalukuyan, mahigit 116,000 tauhan ng PNP ang sumailalim sa random drug testing kung saan 25 lang ang nagpositibo.
Sa bilang na ito, walo ang na-dismiss na sa serbisyo, isa ang nag-resign, at sumasailalim sa summary hearing ang nalalabi.
Ayon sa PNP chief, ito ay kumakatawan sa .02 percent lang ng lahat ng tauhan ng PNP, na malaki ang ibinaba sa mahigit 200 na nagpositibo noong 2016.
Tiniyak ni Gen. Acorda na magpapatuloy ang paglilinis sa kanilang hanay para masiguro ang integridad at propesyonalismo sa organisasyon. | ulat ni Leo Sarne