Dumistansya ang Philippine National Police (PNP) sa usapin ng pagpapa-deport ng Canadian Immigration kay dating PNP Chief Rodolfo Azurin Jr.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, Police Colonel Jean Fajardo, wala silang hawak na impormasyon hinggil sa usapin lalo pa’t hindi na siya Pulis dahil retirado na ito.
Kaya naman sinabi ni Fajardo, mas makabubuting sumagot sa usapin ay ang Bureau of Immigration (BI).
Sa panig naman ng BI, sinabi ng tagapagsalita nitong si Dana Sandoval bagaman batid nila ang detalye ng pag-alis at pagdating ni Azurin, hindi naman nila ito maaaring isapubliko dahil sa umiiral na Data Privacy Act.
Gayunman, hinggil sa dahilan ng deportation kay Azurin, sinabi ni Sandoval na ang Canadian Immigration ang siyang makasasagot dito.
Samantala, sinabi ni Fajardo na hindi naman kasama ang dating PNP Chief sa mga nasampahan ng kaso na may kaugnayan sa 990 kilos ng shabu na nakumpiska sa Lungsod ng Maynila, noong isang taon. | ulat ni Jaymark Dagala