Handang tumulong ang Philippine National Police o PNP sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan partikular sa pagpapatupad ng Executive Order no. 39 o ang pagtatakda ng price cap sa bigas.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, P/Col. Jean Fajardo, tanging pag-alalay ang maibibigay ng PNP sa mga kinauukulang ahensya sa sandaling magkasa sila ng paggalugad sa mga pamilihan.
Ginawa ni Fajardo ang pahayag bilang pagtalima sa kautusan ni Department of the Interior and Local Government o DILG Sec. Benhur Abalos Jr. na habulin ang mga nasa likod ng kartel ng bigas.
Kasunod nito, sinabi ni Fajardo na handa rin ang PNP na arestuhin ang sinumang mapatutunayang lumalabag sa kautusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at magsasamantala sa presyo ng bigas sa mga pamilihan. | ulat ni Jaymark Dagala