Pinangunahan ni Police Regional Office (PRO) MIMAROPA Regional Director Police Brig. General Joel Doria ang surprise drug test sa 42 matataas na opisyal ng PNP sa rehiyon.
Ang surprise drug test ay isinagawa kahapon kasunod ng command conference sa PRO-MIMAROPA Regional Headquarters sa Camp Navarro, Calapan Oriental Mindoro.
Sa isang statement, sinabi ni BGen. Doria na ang hakbang ay bahagi ng pakikiisa ng PRO-MIMAROPA sa internal cleansing program ng PNP at sa kampanya kontra sa iligal na droga.
Ipinapakita aniya nito ang kanilang commitment na itaguyod ang pinakamataas na antas ng integridad at propesyonalismo sa organisasyon.
Negatibo sa droga ang resulta ng lahat ng test na isinagawa ng Regional Forensic Unit MIMAROPA. | ulat ni Leo Sarne