Pinamamadali ni Quezon City Rep. Marvin Rillo sa Department of Transportation (DOTr) ang rehabilitasyon ng MRT-3 upang maitaas ang passenger capacity nito sa kalahating milyon mula sa kasalukuyang 300,000.
Ayon kay Rillo, handa ang kongreso na suportahan ang kinakailangang pondo ng ahensya para mapaganda pa ang train line at madagdagan ang mga pasaherong nakikinabang dito.
Sa kasalukuyan, mayroong 273,141 na pasahero ang sumasakay sa MRT-3 kada araw.
“We want MRT-3’s carrying capacity upgrade to succeed so that commuters will have faster, safer, and more convenient rides. We, in Congress, are prepared to provide the DOTr all the funding needed to renew the aging train line,” ani Rillo.
Para sa susunod na taon humingi ang DOTr ng P2.9 billion para sa MRT-3 rehabilitation project.
Maliban dito may hirit din na P6 billion na subsidiya at P1.3 billion para sa operation at maintenance.
Isa sa target ng MRT ay makapagpatakbo ng apat na railcars mula sa kasalukuyang tatlo upang madagdagan ng 200,000 ang maserbisyuhang pasahero.
Ang subsidiya naman ay para sagutin ang operating income ng MRT-3 at mapanatiling mababa ang pasahe. | ulat ni Kathleen Jean Forbes