Kinordonan na at idineklara nang mapanganib ang bahagi ng S. Feliciano St., Mapulang Lupa, Valenzuela kung saan nagkaroon ng structural collapse kahapon.
Ngayong araw, ininspeksyon ni Mayor Wes Gatchalian ang gumuhong residential area kung saan nagpapatuloy ang clearing operations sa mga nasirang bahay pati na ang mapping ng high risk areas.
Ayon sa alkalde, batay sa rekomendasyon ng Office of the Building Official (OBO), hindi na maaaring balikan ng mga residente ang naturang lugar at kailangan na ring i-relocate ang mga natitira pang residente dahil delikado na ito.
Sa ngayon, inihahanda na aniya ng pamahalaang lungsod ang karagdagang tulong para sa mga residenteng apektado.
Kabilang dito ang P10,000 financial assistance sa bawat pamilyang nagrerenta sa lugar.
May sampung house owners naman ang palilipatin na ng LGU sa Disiplina Village Lingunan sa susunod na linggo.
Samantala, sasagutin naman ng LGU ang bayad sa ospital pati na ang pagpapalibing sa lalaking senior citizen na nasawi kasunod ng insidente.
Kaugnay nito, nakipag-ugnayan na rin ang pamahalaang lungsod sa National Grid Corporation of the Philippines na nagmamay-ari ng lupang pinagtitirikan ng mga gumuhong bahay para sa posibleng tulong rin na maibigay nito sa mga naapektuhan. | ulat ni Merry Ann Bastasa
📷: Valenzuela LGU