Muling ipinagpatuloy ngayong araw ng Marikina City Rescue 161 at Marikina Bureau of Fire Protection ang paghahanap sa katawan ng isang lalaki na inanod sa Marikina River, kahapon.
Ito ay matapos bumalik na sa normal ang lebel ng tubig sa nabanggit na ilog, matapos ang walang patid na pagbuhos ng ulan dulot ng Habagat.
Ayon kay Fire Sergeant Jaime Pacible ng Marikina BFP, dahil bumuti na ang sitwasyon sa ilog, ito na ang magandang pagkakatoan upang galugarin ang buong ilog, at hanapin ang 24 anyos na si Jerome Racelis.
Nangyari ang insidente pasado alas-3 ng hapon nitong Huwebes, matapos tumawid sa ilog sa ilalim ng tulay ng Tumana, para sana puntahan ang kaibigang nangingisda sa kabilng pampang ngunit dahil sa lakas ng agos ay tinangay si Racelis.
Kaninang umaga, ganap nang humupa ang baha sa Marikina Riverbanks, at sinimulan na itong linisin ng mga tauhan ng lokal na pamahalaan. | ulat ni Jaymark Dagala