Ipinag-utos ni Bureau of Corrections o BuCor Director General Gregorio Pio Catapang Jr. ang pagsibak sa puwesto sa superintendent ng Davao Prison and Penal Farm.
Ito’y ayon kay Catapang ay kasunod na rin ng nangyaring pagtakas ng isang Person Deprived of Liberty o PDL na kinilalang si Jundee Caño noong Setyembre 13.
Ayon kay Catapang, hinihintay na lamang niya ang pinal na ulat mula sa naturang tanggapan lalo’t huli na niyang natanggap ang ulat ng pagkakatakas gayundin ang muling pagkakaaresto sa PDL, bagay na labis niyang ikinadismaya.
Batay sa ulat, Setyembre 13 nang makatakas si Caño subalit muli itong naaresto noong Setyembre 17 matapos naman ang ikinasang hot pursuit operations katuwang ang Dumulog Municipal Police Station.
Giit ni Catapang, hindi katanggap-tanggap ang ganitong uri ng insidente na nagkakaroon ng delay sa pagpaparating ng mga ulat at impormasyon o di kaya’y pagtatago nito. | ulat ni Jaymark Dagala