Makakatuwang na ng Valenzuela Technological College (VALTECH) ang DOTr-Philippine Railways Institute sa iaalok nitong railway courses sa mga estudyante sa lungsod.
Kasunod ito ng paglagda sa Memorandum of Agreement para sa Academic Partnership sa DOTr-Philippine Railways Institute at ValTech.
Pinangunahan ngayong araw nina Valenzuela Mayor Wes Gatchalian, at DOTR Sec. Jaime Bautista ang paglagda sa kasunduan para sa partisipasyon ng transportation department sa paglilinang ng kaalaman ng mga estuydante sa railway management, operation, at engineering.
Kasama rin dito ang Academe-Industry linkage, Students Internship Program o On-the-Job Training, Faculty/Student training at seminars, at skill certification.
Sa pamamagitan aniya nito, maaaring mai-deploy ang mga ito sa mga ahensya ng DOTr at mabigyan ng pagkakataong maging empleyado lalo na sa bubuksang mga bagong railway infrastructure projects sa bansa.
Kabilang dito ang North-South Commuter Railway (NSCR) at Metro Manila Subway Project kung saan ang depot ay matatagpuan sa Valenzuela.
Nagpasalamat naman si Valenzuela Mayor Gatchalian sa suporta ng DOTR para sa lungsod.
Ayon sa alkalde, oras na matapos na ang bagong campus ng Valenzuela Technological College o VALTECH ay pormal na ring bubuksan sa susunod na academic year ang iba’t ibang bagong kurso kabilang ang railway-related courses.
Dagdag pa ni Mayor Wes, pangarap nitong maging tahanan ang Valenzuela ng pinakamagagaling na skilled railway professionals sa bansa.
Sinabi naman ni DOTr Sec. Bautista na umaasa itong makatulong ang programa para mas maraming kabataan ang mahikayat na kumuha ng propesyon sa railway sector.
Sinaksihan rin ng mga opisyal ang unveiling ng Metro Manila Subway at North-South Commuter Railway Exhibit sa atrium ng Valenzuela City Hall. | ulat ni Merry Ann Bastasa