18 na ang kumpirmadong election-related incidents na naitala ng Philippine National Police sa loob ng election period ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) mula Agosto 28 hanggang hanggang Oktubre 18.
Inulat ni PNP Public Information Office Chief Police Col. Jean Fajardo sa pulong balitaan sa Camp Crame kahapon na 12 sa mga insidenteng ito ay ‘shooting incident’, dalawa ang kidnapping, isa ang grave threat, isa ang indiscriminate firing, isa ang paglabag sa gun ban, at isa ang police operation na tumuloy sa engkwentro.
Apat sa mga insidenteng ito ay naganap sa Bangsamoro Autonomous Region; tig-3 sa Region 4A, Region 10 at Region 8; at tig-isa sa Region 1, Region 9 at Region 7.
Pito sa mga insidenteng ito ang nasa Prosecutors Office na para sa pagsasampa ng kaso, 8 ang ‘under Investigation’, isa ang nasampahan na ng kaso sa korte, at dalawa ang natukoy na ang suspek.
Ayon pa kay Fajardo, walang pagbabago sa kanilang klasipikasyon ng sitwasyong panseguridad ng mahigit 42,000 barangay sa bansa hanggang kahapon, kung saan 356 pa rin ang nasa red category, 1,325 ang nasa orange category, 1,196 ang nasa yellow category, at ang nalalabing mahigit 39,000 ay walang problemang panseguridad. | ulat ni Leo Sarne