Nasa 5 ang nasawi at 11 ang sugatan sa 6 na insidente ng pamamaril sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ngayong araw.
Ito ang iniulat ni Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) Regional Director Police Brig. Gen. Allan Nobleza kay PNP Chief Police General Benjamin Acorda sa pulong balitaan sa Camp Crame sa pagtatapos ng halalan.
Sinabi naman ni Gen. Acorda, bukod sa mga insidente ng pamamaril na iniulat sa BAR, puro mga minor incidents ang iniulat sa iba pang panig ng bansa, at walang lugar ang idineklarang nagkaroon ng failure of elections.
Pero dahil aniya sa mga insidenteng ito, maaring mapantayan o mahigitan ng Election-related incidents sa BSKE 2023 ang 40 naitala noong 2018 barangay elections.
Gayunpaman itinuturing ng PNP Chief na matagumpay ang eleksyon, dahil aniya sa pagkakaisa ng lahat ng ahensya ng gobyerno at dedikasyon ng mga mamayan.| ulat ni Leo Sarne