Nasa mabuting kalagayan ang limang sakay ng Philippine Air Force (PAF) Cessna 208B EX Grand Caravan aircraft na nag-emergency landing sa Mactan Cebu International Airport.
Ito ang inihayag ni PAF Spokesperson Col. Maria Consuelo Castillo kaugnay ng insidenteng nangyari kaninang alas-dos ng madaling araw.
Ayon kay Col. Castillo, napilitang magsagawa ng emergency landing ang eroplano matapos na magkaroon ng sunog sa makina, ilang sandali matapos na mag take-off.
Matagumpay aniyang nailapag muli ng piloto ang eroplano sa kabila ng hirap sa pag-maniobra ng eroplano dahil sa problema sa makina, at walang napinsala sa mga sakay nito.
Kasalukuyang nagsasagawa ng imbestigasyon ang PAF para matukoy ang naging sanhi ng sunog.
Ang naturang Cessna aircraft ay ipinadala sa PAF noong 2017. | ulat ni Leo Sarne