Bilyon-bilyong pisong halaga ng shabu, iprinisinta sa media ng Customs at PNP 

Facebook
Twitter
LinkedIn

Ipinakita na sa media ng Bureau of Customs (BOC) at ng Philippine National Police (PNP) ang bilyon-bilyong pisong halaga ng shabu, na nasabat sa Manila International Container Port (MICP) sa Maynila. 

Pinangunahan ang naturang presentasyon ni PNP Chief Benjamin Acorda Jr.

Ayon kay Acorda, ang pagkakasabat sa mga droga ay sanib-pwersa ng pamahalaan matapos na makatanggap ng tip mula sa informant sa CALABARZON. 

Base sa paliwanag ng PNP top cop, ang nasabing kargamento ay mula sa bansang Mexico na dumating sa bansa noon pang Pebrero 24. 

Idineklara ito ng customs na abandonadong kargamento, at nitong Setyembre ay napag-alaman na droga. 

Ang mga droga ay nasa loob ng isang container van, at matapos ang inventory lumabas na aabot sa 1,109 packs ng shabu ang mga ito o higit 323 kilograms, na ang halaga ay P2.2 billion. 

Paliwanag ni Acorda, ang nasabing bilang ang opisyal na numero taliwas sa lumabas sa ulat kahapon na 700 kilograms ang nasabat. 

Ang mga iligal na droga ay nakasilid sa beef jerkey packages; at carbon paper, gel, at aluminum paper na sa paniwala ng mga awtoridad ay para hindi makita ang iligal na droga sa X-ray machine. 

Ayon kay Acorda, nang dumaan sa X-ray machine, dalawang pakete lamang ang nakitaan ng crystalline substance pero sa ginawang inspeksyon lahat pala ay may droga. 

Kumpirmadong shabu ang mga iligal na droga, batay na rin sa laboratory analysis. 

Hindi naman isinapubliko ni Acorda kung sino ang consignee at broker ng shipment, dahil nagpapatuloy pa aniya ang imbestigasyon. 

Habang bineberipika pa kung may kinalaman ang kargamento sa mga droga na nasabat sa Subic kamakailan. | ulat ni Lorenz Tanjoco

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us