Nananatiling mapayapa naman ang pagdaraos ng Barangay at SK Elections sa West Rembo Elementary School ngayong araw.
Makasaysayan din ang halalan sa taong ito para sa naturang lugar dahil ito ang kauna-unahang halalan sa barangay sa ilalim ng pangangasiwa ng Lungsod ng Taguig.
Ayon kay Ma’am Alma Adona, Principal ng West Rembo Elementary School, wala naman silang naitalang malaking aberya sa mga unang oras ng halalan.
Maliban na lamang sa mga senior citizen, buntis at Persons With Disabilities (PWDs) na nabiktima ng ‘fake news’ na kasama ang West Rembo Elementary School sa mga pagdarausan ng ‘early voting’ para sa kanila.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas kay Principal Adona, may ilang nalito dahil dala pa nila ang lumang precint numbers buhat pa sa Makati LGU subalit agad naman silang inalalayan ng mga volunteer mula sa PPCRV.
Mayroong 35 clustered precints sa West Rembo Elementary School kung saan ay nasa 12,662 ang mga botante para sa Barangay habang 3,429 naman ang mga botante para sa SK elections.
Kabuuan namang naisaayos ang mga gusot dahil karamihan sa mga botante ay pinadalhan ng sulat ng COMELEC-Taguig hinggil sa bago nilang presinto sa ilalim ng Taguig City. | ulat ni Jaymark Dagala