Maagap na nilinis at pinagbabaklas ng COMELEC-Mandaluyong ang mga campaign material na nakapaskil at nakakabit sa maling lugar.
Binalikan ng Radyo Pilipinas ang Brgy. Addition Hills kung saan, wala na ang mga campaign poster na dating nakadikit sa mga poste ng kuryente gayundin ang mga tila banderitas na nakasabit sa mga kable.
Una nang iginiit ng COMELEC na tanging sa mga itinalagang common poster area maaaring magkabit ng mga campaign material salig na rin sa inilabas na panuntunan ng poll body.
Kabilang sa mga lugar na ito ay ang mga pampublikong lugar gaya ng plaza, palengke at iba pang mga lugar na itinalaga ng lokal na pamahalaan na common poster area.
Maaari rin namang maglagay ng campaign material sa mga bahay o pribadong lupain basta’t ito’y may permiso mula sa may-ari o kung mismong ang may-ari ang nagkabit.
Samantala, tiniyak naman ng COMELEC ang patuloy nilang paglilinis sa mga illegal campaign material.
Magugunitang kahapon, pinangunahan mismo ni COMELEC Chairperson George Erwin Garcia ang pagbabaklas ng mga campaign material na nakakabit sa poste ng kuryente at iba pang lugar sa Pasay City. | ulat ni Jaymark Dagala