Inaresto ng PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) ang dalawang wanted na pulis sa magkahiwalay na operasyon sa Tuguegarao at lalawigan ng Rizal.
Sa ulat ni IMEG Director Police Brig. General Warren de Leon kay PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. ngayong Huwebes, kinilala ang mga arestadong pulis na sina Pat. Adrian France Balderas at Ex-PCpl. Jayvee Rommel A Vicencio.
Si Pat. Balderas, na sumasailalim sa pagsasanay sa PRO2, Camp Marcelo A Adduru, Dadda, Tuguegarao City, Cagayan Valley, ay inaresto noong Oktubre 5 sa bisa ng warrant of arrest sa paglabag sa Sec 5 (1) ng RA 9262 o Anti-Violence against Women and their Children Act.
Habang si Ex-PCpl. Vicencio, na AWOL o Absent Without Leave ay naaresto naman nitong Oktubre 9 sa San Isidro, Montalban, Rizal sa kasong pagpatay kay Patrolman Jefferson Valencia noong July 4, 2022 sa Caloocan City, at paglabag sa RA 10591 o Illegal Possession of Firearms kaugnay ng Comelec gun ban.
Sinabi ni BGen. de Leon na paiigtingin ng IMEG ang kampanya laban sa mga tiwaling pulis, sila man ay aktibo, retirado, o na-dismiss sa serbisyo, bilang pagsuporta sa 5-point agenda ng PNP Chief. | ulat ni Leo Sarne