Mariing itinanggi ni dating Justice Sec. Vitaliano Aguirre na sangkot siya sa isang ‘pyramiding’ o ‘investment scam’.
Ito’y matapos arestuhin ng mga tauhan ng PNP Criminal Investigation and Detection Group o CIDG ang may 20 indibidwal sa isang hotel sa Makati nitong Linggo.
Batay sa ulat ng CIDG, nag-aalok umano ang kumpanyang Professional Capability o ProCap International Incorporated ng ‘one-time return of investment’.
Ayon kay Aguirre, hindi siya bahagi ng naturang kumpanya bagaman inamin nito na isa siya sa mga abogado nito.
Aabot sa 12 Pilipino at 8 dayuhan ang inaresto ng mga tauhan ng CIDG kasama ng mga kinatawan mula sa Securities and Exchange Commission o SEC at Presidential Anti-Organized Crime Commission o PAOCC.
Nakasaad pa sa ulat ng CIDG, nilabag umano ng ProCap ang mga probisyon ng R.A. No. 8799 o ang “Securities Regulation Code” gayundin ng R.A. No. 11765 o ang “Financial Products and Services Consumer Protection Act”.
Pero depensa ni Aguirre, ligal at matagal na pinag-aralan ng kumpanya ang kanilang programa at kaya aniya nilang tayuan ito sa hukuman. | ulat ni Jaymark Dagala