Nakarating na sa tanggapan ni Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte ang kaso ng pananakit ng isang guro sa Grade 5 pupil na nagresulta sa pagkasawi nito.
Ayon kay DepEd Spokesperson, Undersecretary Michael Poa, nakausap na nila ang Antipolo City Schools Division Superintendent hinggil sa kaso.
Hinihintay na lamang aniya nito ang ulat naman na isusumite ng Principal ng Peñafrancia Elementary School kung saan nangyari ang insidente gayundin ay personal nitong aalamin ang pangyayari.
Matapos ang masusing imbestigasyon dito ay saka doon pa lamang maglalabas ng pahayag ang pamunuan ng DepEd hinggil sa usapin.
Kaugnay nito, ikinakasa na ng Women’s and Children’s Desk Section ng Antipolo City Police Office ang kasong isasampa laban sa gurong kinilalang si Marisol Sison.
Ayon kay P/EMSgt. Divina Rafael, Chief ng Women’s and Childrens Desk Section, nagawa umanong saktan ng guro ang 14-na taong gulang na biktima dahil maiingay at magugulo ang mga estudyante sa naturang paaralan.
Dahil sa lakas ng pagkakasampal ng guro sa menor de edad na biktima, inabot pa ng ilang araw bago ito dumaing ng pananakit ng tenga, ulo, at mata kaya’t huli na nang dalhin ito sa ospital.
Kahapon, pumanaw ang menor de edad na estudyante dulot ng blood clot o ang pamumuo ng dugo sa ulo nito. | ulat ni Jaymark Dagala