Maglalabas ang Philippine National Police (PNP) ng mga guidelines para sa mga pulis na vlogger.
Ayon kay PNP Directorate for Police Community Relations Director Major General
Edgar Alan Okubo, wala pa sa ngayong pormal na polisiya ang PNP tungkol sa kanilang mga miyembro na aktibo sa social media bilang vlogger, pero sinisimulan na ang pagbuo ng mga guideline.
Ayon kay Okubo katatapos lang ng unang “Boot Camp” para sa mga PNP vlogger, para maturuan sila ng tamang presentasyon sa mga ipinalalabas nila.
Mahalaga aniya na ang kanilang “content” ay nakahanay sa misyon at bisyon ng PNP, at maipakita sa kanilang mga manonood ang kagandahan ng PNP.
Mayroon na kasi aniyang mga dating Police vlogger na nagkamali, at napangaralan na, upang masiguro na hindi malalabag ang mga patakaran ng PNP sa kanilang mga presentasyon.
Paalala naman ni PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr. sa mga indibidwal na pulis na vlogger, na iwasan ang pag-post ng hindi kagalang-galang na “content.” | ulat ni Jaymark Dagala