Kinasuhan na ng National Bureau of Investigation – Anti-Violence Against Women and Children Division (NBI-AVAWCD) ang mga opisyal at kawani ng apat na kumpanya na nasa likod ng operasyon ng online illegal gambling.
Kabilang sa mga sinampahan ng kaso ay sina Karlos Naidas, Homer Nieverra, May-i Padilla, Nina Rita Cinches, at Enrico Español ng Eplayment Corporation.
Gayundin sina Rafael Reyes Reyes, Jeffelyn Benavente Estipona, Jane Pauline Benavente Estipona, Mariam Estipona Valderama at Oliver Raandaan ng Blockchain Smart Tech Co. I.T. Consultancy; Jose Mari Saulo ng GlobalComRCI International; at Luke Wingfield Digby ng Paymero Technologies Limited.
Nag-ugat ang operasyon ng NBI mula sa reklamo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) laban sa nasabing mga kumpanya.
Ginagamit umano ang pangalan at logo ng PCSO sa kanilang online games ng walang pahintulot.
Sabi ng PCSO, ang website na www.pakilotto.com o Pakilotto na gamit ng mga kumpanya ay hindi awtorisado na mag-solicit at tumanggap ng taya mula sa publiko.
Napatunayan din ng NBI na isang online illegal gambling site ang ‘Pakilotto’. | ulat ni Rey Ferrer