Nanawagan ang isang kongresista sa mga bangko na nagpapautang para sa PUV modernization, na pasimplehin ang proseso para sa mga transport cooperatives.
Ayon kay AGRI party-list Rep. Wilbert Lee, dapat ay i-streamline na ang Land Bank of the Philippines (LBP), Development Bank of the Philippines (DBP), at iba pang government financial institutions ang loan requirements para makatalima sa PUV modernization program.
Punto pa nito, napakarami nang dokumento at rekisitos na hinihingi ang LTFRB (Land Transportation Franchising and Regulatory Board) at LTO (Land Transportation Office), kaya’t hindi na aniya makatwiran na ganito rin ang sitwasyon sa LBP at DBP.
“Maging makatotohanan po tayo dito. Napakahirap na nga po ng buhay ng ating mga tsuper at operator dahil sa walang prenong pagtaas ng presyo ng gasolina at ng mga bilihin, dadagdagan pa natin ang sakit ng ulo nila sa mahahaba at komplikadong proseso ng pag-apply ng loan,” sabi ni Lee.
Paalala pa ng party-list solon na ang mga jeepney driver o operator na kumikita lang ng P500 hanggang P750 kada araw ay hindi kakayanin punan ang higit P2 million na modern jeep.
Kasabay nito ay itinutulak din ni Lee na mapaglaanan ng P1.8 billion na pondo ang PUV modernization program.| ulat ni Kathleen Jean Forbes