Sinimulan na ng Pamahalaang Lungsod ng Marikina ang kanilang paghahanda para sa papalapit na paggunita sa All Saints at All Souls Day.
Ayon kay Marikina City Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro, dalawang linggo pa lamang bago ang Undas, nagbaba na siya ng direktiba na linisin at alisin ang mga sagabal sa mga pampubliko at pribadong himlayan sa lungsod.
Kaya naman puspusan na ang malawakang clearing at clean-up operation sa mga sementeryo kaagapay naman ang pamunuan ng mga ito.
Kabilang sa mga nilinisan ay ang Our Lady of the Abandoned Catholic Cemetery, Barangka Public Cemetery, Holy Child Memorial Park, Iglesia Filipina Independiente o Aglipay Cemetery at Loyola Memorial Park.
Samantala, sinabi naman ni Teodoro na sisikapin nilang maging kumportable, ligtas at mapayapa ang mga nabanggit na sementeryo para mas maging makabuluhan at makahulugan ang paggunita ng publiko sa Undas. | ulat ni Jaymark Dagala