Mas magiging malapad na ang bike lanes at pedestrian lanes sa Quezon City sa inisyatibo ng DOTr na pagpapalawak ng active transport infrastructure sa lungsod.
Pinangunahan ngayong araw nina Department of Transportation o DOTr Sec. Jaime Bautista at QC Mayor Joy Belmonte ang groundbreaking ceremony para sa proyekto na itatayo sa iba’t ibang bahagi ng QC.
May habang dalawang kilometro ang naturang proyekto kung saan kasama ang upgrading ng bike lanes, pedestrian walkway, at pagtatayo ng 10 PUV stop sa Elliptical Road partikular sa Agricultural Training Institute (ATI), Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) at sa Commonwealth Avenue sa bahagi ng PHILCOA, Don Antonio, Tandang Sora, at Batasan.
Kasama rin sa plano ang pagsasaayos sa kadalasang problema ng mabigat na trapiko sa Elliptical Road.
Ayon kay Sec. Bautista, ang inisyatibong ito ay bahagi pa rin ng pagtataguyod ng DOTr ng transport mobility.
Buo naman ang suporta ni Mayor Joy Belmonte sa pagpapalawak ng active transport infrastructure sa lungsod.
Ayon sa alkalde, matagal na nitong pangarap ang magkaroon ng ligtas, maayos at maluwag na daan para sa mga pedestrian at mga siklista.
Oras na makumpleto ito, inaasahang mapapakinabangan ito ng halos 3 bilyong residente sa lungsod.
Target namang matapos ang proyekto sa unang quarter ng 2024. | ulat ni Merry Ann Bastasa