Dinagsa ng mga San Juaneño ang isinagawang Mega Jobs Fair ngayong araw sa Greenhills mall sa Lungsod ng San Juan.
Kabilang sa mga pumila ay ang mga bagong graduate gayundin ang mga dati nang may trabaho subalit naghahanap ng bagong oportunidad.
Nabatid na nasa mahigit 60 mga kumpanya mula sa Greenhills mall at ilang partner agencies gaya ng Department of Labor and Employment (DOLE), Social Security System (SSS), Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), Pag-ibig fund at iba pa.
Ayon kay San Juan City Mayor Francis Zamora, kaya nagsagawa ng mega jobs fair ay dahil sa ilang establisyimento sa Greenhills mall ang magbubukas sa darating na Nobyembre.
Kabilang sa mga lumahok ay mga restaurant, retail store, employment agencies, jewelry stores, bangko, health and beauty clinics at iba pa.
Ani Zamora, prayoridad sa mega job fair ang mga taga-San Juan na layong makapagbigay ng oportunidad na makapagtrabaho sa mga kumpanya at negosyo sa lungsod. | ulat ni Jaymark Dagala