Tuloy-tuloy na ang dating ng mga pamilyang bumibisita sa kanilang mga yumaong nakalibing sa Himlayang Pilipino sa Pasong Tamo, QC.
May ilang pamilya ang may bitbit nang mga bulaklak at kandila para ialay sa kanilang namapayapang mahal sa buhay.
Kapansin-pansin din ang mga nakalatag nang tents sa ilang puntod.
Ayon kay Engr. Michael Abiog, Park Operations Manager, inaasahan nitong simula mamayang hapon ay dadagsa pa lalo ang mga bisita sa Himlayang Pilipino lalo na ang mga magpapalipas na ng gabi.
Posible nga aniyang pumalo sa 30,000 ang bumisita ngayon.
Epektibo na rin kase ang 24 oras na operasyon ng Himlayang Pilipino kung saan papayagan ang pag-overnight hanggang bukas, Nov. 1.
Nananatiling maayos naman ang sitwasyon sa loob ng sementeryo na may mga nakalatag na ring help desks at first aid stations.
Ipinatutupad na rin ang undas traffic scheme kung saan iisa lang ang entrance habang may dalawa namang exit upang maiwasan ang siksikan ng mga sasakyan.
May lawak na 37 ektarya ang Himlayang Pilipino na may higit 46,000 nakalibing. | ulat ni Merry Ann Bastasa