Iniimbestigahan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) kung may iba pang kasabwat ang bumbero na naaresto sa pagbebenta ng lateral promotion sa BFP.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame ngayong umaga, sinabi ni CIDG Anti-Organized Crime Unit Chief Police Colonel Reynaldo Lizardo, mayroon silang inisyal na impormasyon tungkol sa taga-loob ng BFP at retiradong opisyal na posibleng kasabwat ni FO1 Ramces Paul Babylon Benipayo.
Si Benipayo, na nakatalaga sa Muntinglupa City Fire Department ay inaresto sa entrapment operation ng CIDG kahapon ng hapon sa Star Mall, Alabang Muntinglupa dahil sa paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices act; at estafa kaugnay ng paglabag sa Anti-cybercrime law.
Ikinasa ang operasyon base sa reklamo ng biktimang si Justine Ibardolaza, na nakumbinsi ng suspek na magbayad ng P200,000 kapalit ng posisyon bilang opisyal sa pamamagitan ng lateral entry program ng BFP.
Sa kanyang panig, sinabi naman ni Director for intel and investigation Fire Chief Superintendent Gilbert Dolot, aalamin nila kung may mga iba pang nabiktima sa pamamagitan ng ganitong paraan.
Posible kasi aniya na matagal nang nangyayari ang ganitong modus dahil sa mistulang marangyang pamumuhay ng suspek.| ulat ni Leo Sarne