Kailangang kumuha ng Certificate to Transport sa Commission on Elections (COMELEC) Committee on the Ban on Firearms and Security Concerns (CBFSC) ang mga gumagamit ng “props” na baril sa entertainment industry.
Ito ang nakasaad sa advisory na inilabas ni PNP Firearms and Explosives Office (FEO) Acting Chief Police Brig. General Roger Quesada.
Sakop nito ang ang air-soft o airgun, at iba pang mga replika ng baril na ginagamit na props sa theatrical play at entertainment industry.
Nabatid na base sa Comelec Resolution No. 10905, epektibo ang nationwide gun ban simula Agosto 28 kasabay ng pagsisimula ng election period para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Oktubre.
Bilang pag-iingat at para maiwasan na magamit ang pekeng baril sa kung saan-saan, hinihikayat ng FEO na ipaalam na rin ang pagdadala nito.
Sakaling mahuli ang props na baril na walang permit ay kukumpiskahin ito. | ulat ni Leo Sarne