Nanatili pa rin sa P12 ang minimum fare na singil ng mga jeepney driver dito sa Maynila.
Ito ay sa kabila ng pag-approve ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na dagdag pisong pamasahe para sa Traditional Public Utility Jeepney (TPUJ) epektibo ngayong araw.
Ayon kay Mang Bong Dante, driver ng jeepney na biyaheng España-Blumentritt, hindi pa sila nagtataas ng pamasahe ngayong araw dahil sa maliban daw na araw ng Linggo ay hinihintay nila ang taripa o fare matrix na kanilang ipapaskil kahit alam nitong hindi na kailangang maglagay nito.
Dahil ayon sa LTFRB tanging ang minimum na pamasahe lamang ang madaragdagan ng piso at hindi maaapektuhan ang pamasahe para sa mga susunod pang kilometro.
Dagdag pa ni Mang Bong, may pangilan-ngilan na rin namang mga pasahero na P13 na ang ibinabayad na pamasahe kaya nagpapasalamat siya kung meron mang magbigay agad ng itinakdang minimum fare.
Laking pasasalamat din niya na napayagan ang pisong taas-pamasahe dahil malaking tulong umano ito sa tulad niyang jeepney driver para makaagapay sa pabago-bagong presyo ng petrolyo.| ulat ni EJ Lazaro