Inanunsiyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na pansamantalang suspendido ang lahat ng paghuhukay sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.
Ito ayon kay MMDA Acting Chairperson, Atty. Romando Artes ay bahagi ng kanilang hakbang na maibsan ang pagsisikip ng daloy ng trapiko ngayong panahon ng kapaskuhan.
Gayunman, nilinaw ni Artes na hindi saklaw ng naturang moratorium ang mga big ticket project ng pamahalaan.
Kasama na rin dito ang repair and construction ng mga tulay, flood control projects, asphalt overlay na hindi nangangailangan ng reblocking, at pagsasaayos ng bangketa.
Gayundin ang pag-aalis ng bara sa mga kanal, footbridge projects, emergency leak repair o pagpapalit ng tubo ng mga water concessionaire.
Kabilang din sa exemption ang mga proyekto ng pagkakabit ng mga bagong linya ng kuryente at tubig at paglalagay ng traffic signal. | ulat ni Jaymark Dagala