Nagsagawa ng inter-agency meeting ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para talakayin ang mga hakbang o plano sa ikakasang tigil-pasada ng transport group na Manibela sa Lunes.
Pinangunahan ni MMDA General Manager Undersecretary Procopio Lipana ang pulong kasama ang iba pang ahensya ng pamahalaan.
Kabilang sa natalakay sa pulong ang pagkakaroon ng multi-agency command center sa MMDA Communications and Command Center para i-monitor ang mga mangyayari sa napipintong transport strike.
Ipinag-utos din ni Lipana ang single dispatch sa mga asset o sasakyan ng LGUs at ng mga barangay. Ito ay ilalagay sa mga strategic na lugar para mabilis na magamit ng mga pasaherong maapektuhan.
Mahigit 20 assets naman ng MMDA na nakahandang umalalay sa mga pasaherong maapektuhan ng tigil-pasada.
Nauna rito ay sinabi ni Manibela President Mar Valbuena na nasa 600 na ruta sa Metro Manila ang maaapektuhan ng tigil-pasada.
Posible rin aniyang magtagal ang tigil-pasada hangga’t hindi dinidinig ang kanilang panawagang suspendihin ang PUV modernization program at bawiin ang deadline para sa jeepney consolidation. | ulat ni Diane Lear